Matagal na panahon na rin nung huli akong nakapagblog. Ang dami nang nangyari sa buhay ko tapos hindi ko naman nasusubaybayan. Wala man lang akong nasulat na kahit maikling entry tungkol sa mga iyon. Maraming dahilan kung bakit pinili ko na huwag magsulat. Isa na siguro sa mga dahilan ay sa dami ng ginagawa sa buhay.
Oo, ang dami kong ginagawa sa buhay kahit sa totoo lang na wala naman masyado kung ikukumpara mo sa mga ginagawa ng ibang tao. Ang nasa isip ko noon, bawat araw na lang ba ako magsusulat pag-uwi ko para lang masabi ang mga ginawa ko? Nakakapagod isipin. Halos pare-parehas naman ang araw ko noon na wala ring sense kung araw-araw akong magsusulat.
Minsan naman, tinatamad na lang din ako. Oo, imbis na kasi magsulat ka, pwede ka naman gumawa ng ibang bagay na mas may makabuluhan tulad ng pagbabasa ng babasahin na gabundok kasi akala ng mga propesor na ang dami-daming oras ng mga estudyanteng tulad ko sa bawat araw. Kami na talaga ang maraming oras. (Alam ko namang may dahilan ang lahat ng pagbabasa). Kaya heto, aral lang tapos kung may libreng oras na para sana may malagay dito, itinutulog ko na lang. Hindi ba mas tama lang yun? Itulog na lang? Alam naman natin kung gaano kasarap matulog;)
Pero sa pagdaan ng mga araw at buwan, napag-isip isip ko na kailangan ko rin magsulat ulit. Hindi dahil para lang malista lahat ng mga nagawa ko sa bawat araw kung hindi para hindi ko makalimutan ang mga mahahalagang pangyayari sa buhay ko. Sa sobrang wala akong nasusulat, hindi ko na matandaan kung nagkaroon man lang ng magandang pagbabago sa pag-iisip at pagtanaw ko sa mga bagay-bagay ukol sa buhay ko, sa buhay ng mga mahahalagang tao sa paligid ko at sa mundo. Kailangan ko nang magsulat ulit para malaman ko kung sa paglipas ba ng panahon ay nagkakaroon ng mabuting pagbabago sa aking sarili.
Magsusulat na ako.
No comments:
Post a Comment