Nakakapagod makipag-away. Sinabi ko sa sarili ko noon na ayaw kong paulit-ulit ang bagay na pinag-aawayan pero parang sa takbo ng mga pangyayari, parang ako ang hindi sumusunod sa patakaran na ako mismo ang gumawa.
Sa bawat away, lagi na lang akong naiinis pero naiiyak. Nakakapagod na yata kasi ako para sa kanya. Paulit-ulit na lang. Nakakasawa na.
Pero ako hindi ako magsasawang makipag-away sa kanya. Hindi naman sa gusto ko na laging makipag-away kasi hindi talaga pero dahil gusto ko na siya lang ang makaaway ko. Sa bawat away naman may natututunan kami. Sa bawat away, mas tumitibay ang relasyon namin.
Sabi nga ni Luther Vandross sa kantang "I'd Rather":
I'd rather have bad times with you, than good times with someone else...
I'd rather have hard times together, than to have it easy apart
I'd rather have the one who holds my heart
Selos na siguro ang pinaka-'irrational' na naramdaman ko sa buhay ko. Hindi ko rin minsan maintindihan kung bakit ako nagseselos kahit alam ko namang ako lang ang mahal ng tao. Irrational nga di ba? Kaya ang hirap lang talagang kontrolin minsan kapag nagseselos.
Sabi nila posible na mababa ang self-esteem ng tao kaya siya nagseselos. Hindi naman yata mababa self-esteem ko. Insecurity? Pwede siguro kaso alam ko namang ang swerte niya lang sa akin. Hindi ba?
Pero siguro sa lahat ng mga pagkakataon na nagselos ako, kadalasan, dahil sa insecure ako. Oo, insecure ako. Nakakatakot kaya. Baka pumapangit na pala ako. Paano pala kung ang boring ko na? Paano pala kung sawa na siya sa akin? Sobrang nakakatakot.
Hindi naman dahil sa wala akong tiwala sa kanya. Alam ko namang mahal niya ako. Mahal na mahal. Ganun rin naman ako sa kanya. May mga pagkakataon lang talaga na ang irrational ko lang.
Pasensya ka na kung minsan ang selosa ko lang. Hindi ko lang rin makontrol. Ayaw ko lang rin na mawala ka sa akin kasi mahal na mahal kita. Ang swerte ko lang sa'yo eh. Sobra. Kaya sana maalala mo na sa tuwing nagseselos ako, ayaw ko lang na mawala ka sa akin. Oo. Possessive ako. Joke.
Nagkaroon kami ng pag-uusap ng aking tatay. Nagtanong siya sa akin tungkol sa mga transgender.
"Hindi ko maintindihan iyang mga transgender," sabi niya.
"Bakit, ano bang hindi mo maintindihan sa kanila?"
"Lahat."
"Ganito kasi yan..." at nagpatuloy ako sa pagpapaliwanag kung ano nga ba talaga ang mga transgender.
Nagulat ako sa mga sumunod niyang sinabi.
"Eh di ba ikaw, bisexual ka?"
Hindi ako nakasagot sa sobrang gulat kaya napa "Ha?!" na lang ako. "Paano niyo nalaman?"
"Matagal na naming alam ng nanay mo," sabi niya.
Wala akong nasabi. Napatingin na lang ako sa kawalan. Imposible. Imposibleng malaman nila. Pinag-ingatan ko ng napakatagal ang sikreto na iyon. Hindi nila dapat malaman. Hindi.
Sa wakas at nagising rin ako. Salamat naman.
Matagal na ang nakalipas simula ng una tayong nagkita. Natatandaan ko pa rin na noon, hindi ko rin maintindihan sa sarili ko kung bakit hindi ko maiwasang tumingin sa'yo. Ano nga bang meron sa'yo? Paulit-ulit ko iyan na tinatanong sa sarili. Hindi nagtagal nalaman ko rin naman.
Sa bawat araw na nagkakasama tayo, napansin ko kung paano ka ngumiti. Ang ngiti mo ay isa sa mga bagay na nagustuhan ko sa'yo. Nakakahawa. Nakakabaliw. Nakakatunaw ng puso. Tulad ng ngiti mo, ang inosente lang din ng tingin mo. May kakaiba kang 'aura' na pilit akong nilalapit sa'yo. Idagdag mo pa ang boses mo na ang sarap lang pakinggan kapag nagkukuwentuhan tayo. Ang saya mo pang kausap. Grabe. Isipin mo yun, hindi tayo nagsasawa. Ang galing lang. Alam mo iyon, parang full package ka lang na may bonus. Parang nanalo lang din ako sa lotto. Ang swerte ko lang. Pakiramdam ko noong mga panahong iyon, ikaw na talaga. Ikaw ang gusto ko.
Sa mga araw na mas lalo tayong nagkasama, naramdaman ko na lang na palalim ng palalim ang pagsasamahan natin. Kung dati'y magkaibigan, tapos naging malabo at masaya, hanggang sa naging tayo na. Tayo na. Tayo pa rin. 11 buwan. Parang kailan lang hindi ba? Parang kailan lang noong nasa AS parking lot lang tayo. Parang kailan lang noong halos araw-araw tayong umuwi ng gabi. Parang kailan lang na ang adventurous lang natin pagdating sa mga bagay-bagay na para tayong mga bata na nakawala sa bahay para lang makapaglaro. Parang kailan lang noong magkasama tayo sa mga mahahalagang araw ng buhay natin.
Huwag mong sasabihin sa akin na hindi, 10 buwan pa lang. Maiinis lang ako sa'yo. Hindi mo ba nakikita? Hindi mo ba nararamdaman? Matagal pa tayong magsasama. Matagal pa tayong magtatawanan, mag-uusap, magdadate, magtatampuhan at magbabati. Matagal pa nating pakikisamahan ang isa't isa. Matagal pa tayong magmamahalan. Oo, matagal pa.
Siguro nararamdaman mo minsan na hindi na tayo tulad ng dati. Palagay ko parte lang naman ng kahit anong relasyon iyon. Pwede naman nating balikan ang mga bagay-bagay na dati nating ginagawa. Hindi naman ibig sabihin na hindi na natin ginagawa ang mga bagay na yun, hindi na natin ganoon kamahal ang isa't isa. Hindi naman magbabago na mahal kita. Hinding-hindi.
Kaya pagbigyan mo na ako pwede? Kahit gawin ko pang 12 yan o 24 o kung ano mang numero. Matagal pang tayo. Matagal na matagal pa.
Noong bata ako, lagi akong nagtataka kung ano bang meron sa pagkakaroon ng lovelife. Ang tingin ko, hindi naman mahalaga yun at sadyang sagabal lang sa pag-aaral. Marami pa akong pangarap sa buhay kaya sabi ko sa sarili ko, kapag meron na akong trabaho saka lang ako maghahanap ng taong mahal ko at 'tama' para sa akin. Kaso tulad nga ng sinasabi ng karamihan, "hindi naman napaplano ang pag-ibig". Maraming beses na akong nagkaroon ng lovelife na yan, sa inayaw ko man o sa ginusto.
Hindi ko naman gustong ikuwento dito ang lahat ng naging pakikipagsapalaran ko sa pag-ibig na yan. Kumbaga, akin na lang yun;) Pero dahil marami na rin nga akong hindi naikuwento matapos kong piniling huwag magsulat, ikukuwento ko na lang kung ano ang mga bagong kaganapan sa aking buhay pag-ibig.
...
Ang aking buhay pag-ibig ay sadyang buhay na buhay sa kasalukuyan.
Ngayon, nararamdaman ko na naman ang kaba, kilig, tuwa at kung anu-ano pang magkakahalong emosyon.
Lagi na naman akong nakangiti na parang walang bukas.
Lagi ko na lang hawak ang cellphone para lang makita kung siya na ba ang nagtext.
Lagi rin akong excited pumasok dahil magkakasama kami.
Lagi ko na lang siyang naalala sa lahat ng mga bagay sa paligid mo.
Yung ngingitian ka lang niya, halos matunaw ka na tapos mararamdaman mo talaga yun sa puso mo.
Yung hahawakan ka niya o yayakapin tapos ayaw mo nang kumawala dahil sa sobrang sarap sa pakiramdam.
Yung araw-araw naman kayong magkasama tapos buong araw kayong magkausap pero hindi kayo nagsasawa sa isa't isa.
Pero hindi naman puro saya tulad ng sabi ko kasi may mga pagkakataon rin na ang drama lang ng pag-ibig.
May mga kaunting pagkakataon din na may mga tampuhan, iyakan o kung ano pa man na tiyak din namang lilipas.
Ang mahalaga ay mas nangingibabaw ang mga masasayang sandali at ang kagustuhan na maayos at malagpasan ang mga problema na pinagdaraanan.
Napakasaya ko lang dahil sa kung ano man ang meron sa buhay pag-ibig ko ngayon at sana hindi na ito matapos tulad ng hinihiling ng kung sino man na nagmamahal rin:)
(Para sa taong kanina ko pang binabanggit dito, maraming salamat at binigyan mo ko ng pagkakataon na maranasan ulit kung ano ang pakiramdam ng nagmamahal kahit pa ayon sa dating ako, ayaw daw niya. Haha.)
Hindi ko na maalala kung kailan pero isang araw habang naglilinis at nag-aayos ako ng mga lumang papeles ko noong highschool, nakita ko ang dalawang piraso ng pad paper na isinulat ko tungkol sa homosexuality.
Ang isa sa mga papel ay puro notes tungkol sa mga teorya sa homosexuality.
THEORIES OF HOMOSEXUALITY
1. Pagbibigay-bansag
- curiosity
2. Sexual immaturity
- hindi alam ang ipoportray na ugaling pangkasarian
3. Ugnayang naistorbo
- favoritism
- mama's boy
- papa's girl
4. Pagkakalayo sa magulang
- all boys school
5. Pagmamaltrato
*may drawing dito pero hindi ko alam paano ilalagay dito basta nakalagay lang na kapag ang tatay ay macho, at ang nanay ay mahina, mas mataas ang posibilidad na magiging tomboy daw ang anak na babae*
6. Kapaligiran
- media, population
at sa ibaba ng papel, nakasulat ito:
HW: Katanggap tanggap ba ang pagkakaroon ng homosexual sa lipunan? Bakit?
Ang nakasulat naman sa papel ay ang isinulat kong sanaysay bilang sagot sa tanong sa HW.
(Hindi ko na ilalagay dito ang buong sanaysay)
...Sa aking palagay ay tama lang na tanggapin ang mga homosexual sa bansa. Bagamat ito ay labag sa paniniwala ng maraming Pilipino dahil sa pagiging Katoliko o Kristiyano, narararapat pa rin silang tanggapin bilang tao.
... Sa kabuuan ay dapat irespeto ang mga homosexual kahit ganun man sila. Sila rin naman ay mga tao rin at nangangailangan ng pagpapahalaga, atensyon at higit sa lahat ay respeto.
Pasensya na ang sabaw lang. Hindi ko yata ito binigay dahil parang draft lang ito. *kaya sabaw*
Ganun pa man, nakakatuwa lang isipin na kahit high school pa lang ako, mas malawak na ang pagtingin ko ukol sa mga ganitong isyu sa sekswalidad at kasarian. Ang nakalulungkot lang na isipin ay kung paano ito itinuro sa amin noon na tila parang isang sakit ang pagiging isang homosexual na sa katunayan ay hindi.
Marami pa akong gustong sabihin tungkol sa isyu na ito pero ilalagay ko na lang sa mga susunod na entries:)
Matagal na panahon na rin nung huli akong nakapagblog. Ang dami nang nangyari sa buhay ko tapos hindi ko naman nasusubaybayan. Wala man lang akong nasulat na kahit maikling entry tungkol sa mga iyon. Maraming dahilan kung bakit pinili ko na huwag magsulat. Isa na siguro sa mga dahilan ay sa dami ng ginagawa sa buhay.
Oo, ang dami kong ginagawa sa buhay kahit sa totoo lang na wala naman masyado kung ikukumpara mo sa mga ginagawa ng ibang tao. Ang nasa isip ko noon, bawat araw na lang ba ako magsusulat pag-uwi ko para lang masabi ang mga ginawa ko? Nakakapagod isipin. Halos pare-parehas naman ang araw ko noon na wala ring sense kung araw-araw akong magsusulat.
Minsan naman, tinatamad na lang din ako. Oo, imbis na kasi magsulat ka, pwede ka naman gumawa ng ibang bagay na mas may makabuluhan tulad ng pagbabasa ng babasahin na gabundok kasi akala ng mga propesor na ang dami-daming oras ng mga estudyanteng tulad ko sa bawat araw. Kami na talaga ang maraming oras. (Alam ko namang may dahilan ang lahat ng pagbabasa). Kaya heto, aral lang tapos kung may libreng oras na para sana may malagay dito, itinutulog ko na lang. Hindi ba mas tama lang yun? Itulog na lang? Alam naman natin kung gaano kasarap matulog;)
Pero sa pagdaan ng mga araw at buwan, napag-isip isip ko na kailangan ko rin magsulat ulit. Hindi dahil para lang malista lahat ng mga nagawa ko sa bawat araw kung hindi para hindi ko makalimutan ang mga mahahalagang pangyayari sa buhay ko. Sa sobrang wala akong nasusulat, hindi ko na matandaan kung nagkaroon man lang ng magandang pagbabago sa pag-iisip at pagtanaw ko sa mga bagay-bagay ukol sa buhay ko, sa buhay ng mga mahahalagang tao sa paligid ko at sa mundo. Kailangan ko nang magsulat ulit para malaman ko kung sa paglipas ba ng panahon ay nagkakaroon ng mabuting pagbabago sa aking sarili.
Magsusulat na ako.