Friday, September 13, 2013

Pag-aaway

Nakakapagod makipag-away. Sinabi ko sa sarili ko noon na ayaw kong paulit-ulit ang bagay na pinag-aawayan pero parang sa takbo ng mga pangyayari, parang ako ang hindi sumusunod sa patakaran na ako mismo ang gumawa. 

Sa bawat away, lagi na lang akong naiinis pero naiiyak. Nakakapagod na yata kasi ako para sa kanya. Paulit-ulit na lang. Nakakasawa na. 


Pero ako hindi ako magsasawang makipag-away sa kanya. Hindi naman sa gusto ko na laging makipag-away kasi hindi talaga pero dahil gusto ko na siya lang ang makaaway ko. Sa bawat away naman may natututunan kami. Sa bawat away, mas tumitibay ang relasyon namin. 

Sabi nga ni Luther Vandross sa kantang "I'd Rather": 


I'd rather have bad times with you, than good times with someone else... 


I'd rather have hard times together, than to have it easy apart

I'd rather have the one who holds my heart


Selos

Selos na siguro ang pinaka-'irrational' na naramdaman ko sa buhay ko. Hindi ko rin minsan maintindihan kung bakit ako nagseselos kahit alam ko namang ako lang ang mahal ng tao. Irrational nga di ba? Kaya ang hirap lang talagang kontrolin minsan kapag nagseselos. 

Sabi nila posible na mababa ang self-esteem ng tao kaya siya nagseselos. Hindi naman yata mababa self-esteem ko. Insecurity? Pwede siguro kaso alam ko namang ang swerte niya lang sa akin. Hindi ba? 

Pero siguro sa lahat ng mga pagkakataon na nagselos ako, kadalasan, dahil sa insecure ako. Oo, insecure ako. Nakakatakot kaya. Baka pumapangit na pala ako. Paano pala kung ang boring ko na? Paano pala kung sawa na siya sa akin? Sobrang nakakatakot. 

Hindi naman dahil sa wala akong tiwala sa kanya. Alam ko namang mahal niya ako. Mahal na mahal. Ganun rin naman ako sa kanya. May mga pagkakataon lang talaga na ang irrational ko lang. 



Pasensya ka na kung minsan ang selosa ko lang. Hindi ko lang rin makontrol. Ayaw ko lang rin na mawala ka sa akin kasi mahal na mahal kita. Ang swerte ko lang sa'yo eh. Sobra. Kaya sana maalala mo na sa tuwing nagseselos ako, ayaw ko lang na mawala ka sa akin. Oo. Possessive ako. Joke. 

Saturday, August 24, 2013

Sikreto

Nagkaroon kami ng pag-uusap ng aking tatay. Nagtanong siya sa akin tungkol sa mga transgender. 

"Hindi ko maintindihan iyang mga transgender," sabi niya. 

"Bakit, ano bang hindi mo maintindihan sa kanila?" 

"Lahat." 

"Ganito kasi yan..." at nagpatuloy ako sa pagpapaliwanag kung ano nga ba talaga ang mga transgender. 

Nagulat ako sa mga sumunod niyang sinabi. 

"Eh di ba ikaw, bisexual ka?" 

Hindi ako nakasagot sa sobrang gulat kaya napa "Ha?!" na lang ako. "Paano niyo nalaman?"

"Matagal na naming alam ng nanay mo," sabi niya. 

Wala akong nasabi. Napatingin na lang ako sa kawalan. Imposible. Imposibleng malaman nila. Pinag-ingatan ko ng napakatagal ang sikreto na iyon. Hindi nila dapat malaman. Hindi. 



Sa wakas at nagising rin ako. Salamat naman.

11

Matagal na ang nakalipas simula ng una tayong nagkita. Natatandaan ko pa rin na noon, hindi ko rin maintindihan sa sarili ko kung bakit hindi ko maiwasang tumingin sa'yo. Ano nga bang meron sa'yo? Paulit-ulit ko iyan na tinatanong sa sarili. Hindi nagtagal nalaman ko rin naman. 

Sa bawat araw na nagkakasama tayo, napansin ko kung paano ka ngumiti. Ang ngiti mo ay isa sa mga bagay na nagustuhan ko sa'yo. Nakakahawa. Nakakabaliw. Nakakatunaw ng puso. Tulad ng ngiti mo, ang inosente lang din ng tingin mo. May kakaiba kang 'aura' na pilit akong nilalapit sa'yo. Idagdag mo pa ang boses mo na ang sarap lang pakinggan kapag nagkukuwentuhan tayo. Ang saya mo pang kausap. Grabe. Isipin mo yun, hindi tayo nagsasawa. Ang galing lang. Alam mo iyon, parang full package ka lang na may bonus. Parang nanalo lang din ako sa lotto. Ang swerte ko lang. Pakiramdam ko noong mga panahong iyon, ikaw na talaga. Ikaw ang gusto ko. 

Sa mga araw na mas lalo tayong nagkasama, naramdaman ko na lang na palalim ng palalim ang pagsasamahan natin. Kung dati'y magkaibigan, tapos naging malabo at masaya, hanggang sa naging tayo na. Tayo na. Tayo pa rin. 11 buwan. Parang kailan lang hindi ba? Parang kailan lang noong nasa AS parking lot lang tayo. Parang kailan lang noong halos araw-araw tayong umuwi ng gabi. Parang kailan lang na ang adventurous lang natin pagdating sa mga bagay-bagay na para tayong mga bata na nakawala sa bahay para lang makapaglaro. Parang kailan lang noong magkasama tayo sa mga mahahalagang araw ng buhay natin. 

Huwag mong sasabihin sa akin na hindi, 10 buwan pa lang. Maiinis lang ako sa'yo. Hindi mo ba nakikita? Hindi mo ba nararamdaman? Matagal pa tayong magsasama. Matagal pa tayong magtatawanan, mag-uusap, magdadate, magtatampuhan at magbabati. Matagal pa nating pakikisamahan ang isa't isa. Matagal pa tayong magmamahalan. Oo, matagal pa. 

Siguro nararamdaman mo minsan na hindi na tayo tulad ng dati. Palagay ko parte lang naman ng kahit anong relasyon iyon. Pwede naman nating balikan ang mga bagay-bagay na dati nating ginagawa. Hindi naman ibig sabihin na hindi na natin ginagawa ang mga bagay na yun, hindi na natin ganoon kamahal ang isa't isa. Hindi naman magbabago na mahal kita. Hinding-hindi. 

Kaya pagbigyan mo na ako pwede? Kahit gawin ko pang 12 yan o 24 o kung ano mang numero. Matagal pang tayo. Matagal na matagal pa.